Pamanang Kulturang Habi sa Makabagong Panahon, Handog ng Science Community sa Metro Manila

Sa ikalawang pagkakataon, muling ibabahagi ng DOST-NCR ang makulay na kasaysayan at kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng “Pamana Agham: Siyensya sa Bawat Habi at Hibla” na gaganapin sa ika-28 at 29 ng Agosto 2024, sa Intramuros, Manila.

Katuwang ang DOST-Philippine Textile Research Institute (PTRI), Intramuros Administration, ang Partnerships for Sustainability Education (PSE), at ang Department of Tourism (DOT), ang eksibisyon ay bahagi ng kampanyang Science Beyond Borders ng DOST-NCR na naglalayong gamitin ang siyensiya, teknolohiya, at inobasyon (STI) upang bigyang solusyon ang mga suliranin at magbukas ng oportunidad sa mga Pilipino.

 Pamana Agham: Siyensya sa Bawat Habi at Hibla

Unang ginanap ang Pamana Agham noong 2023 na nagtampok ng mga produktong Halal, maging ang mga inisyatibo para sa turismo kasama ang Intramuros Administration. Sa Pamana Agham ngayong taon, itatampok naman ang siyensiya, teknolohiya, at inobasyon sa higit na pagpapaunlad ng mayamang kasaysayan at kultura ng paghahabi sa Pilipinas. Layon ng Pamana Agham ngayong taon na ipamalas sa publiko ang pagsasanib ng mga makabagong kaalaman at teknolohiya, at ang pamanang sining ng mga naunang henerasyon.

Sa pagbubukas ng pagdiriwang, masasaksihan ang pagpirma sa kasunduan sa pagitan ng DOST-NCR, PTRI, at PSE Isa rin dito ang paglulunsad ng ibat-ibang proyekto tulad ng Safatos Program ng PTRI. Kaabang-abang din ang

Ang Pamanang Habi kung saan tampok ang mga damit mula sa koleksyon ng PTRI sa kanilang KatHABI PTFs Reimagined at PSE Sustainable Fashion Show.

Inaanyayahan rin ang publiko na bisitahin ang KatHABI Textile Innovation Exhibit at ang Sining Siyensya na magtatampok sa mga talento, guhit at sining ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).

Hitik rin sa aktibidad ang ikalawa at huling araw ng Pamana Agham. Nariyan ang TelaHanga kung saan ipapamalas ang teknolohiya at inobasyon upang masiguro ang sustainable supply ng local fabrics sa Pilipinas. Itatampok din dito ang mga makabagong pamamaraan sa larangan ng paghahabi sa ating textile industry.

Para naman sa mga malikhain, mayroong Tiny Thread Talk, isang tagisan ng galing sa pananahi na lalahukan ng mga kabataan, upang maitaguyod ang lokal na industriya ng paghahabi sa susunod na henerasyon.

Magkita-kita po tayo sa Pamana Agham ng DOST-NCR! Makiisa, matuto at sama-sama nating isulong ang siyensya at ang mayamang kultura ng paghahabi sa Pilipinas!

Maaring bisitahin ang opisyal na facebook page ng DOST-NCR sa link na ito: https://www.facebook.com/dost.ncr

Similar Posts