DOST-NCR, PFST, Nagsagawa ng Training para sa High School Science Teachers ng SDO MUNTAPARLAS
Nagsagawa ng isang in-person training para sa High School Science Teachers ang DOST-NCR MUNTAPARLAS Clustered Area Science and Technology Center, sa tulong ng Philippine Foundation for Science and Technology (PFST), noong ika-isa ng Agosto 2022 sa Student Center for Life Skills Building, Tunasan, Lungsod ng Muntinlupa.
Hango sa temang, “Teaching Science Beyond Classroom through Philippine Science Centrum (PSC) Video-Based Exhibits and Lab in a Box for Grade 7-12 Science Teachers in NCR” , layunin nito na mabigyan ng sapat na kaalaman at nararapat na kasanayan sa pagtuturo ng agham ang mga guro sa mga nabanggit na baitang gamit ang makabagong imbensyon at teknolohiya.
Nagsilbing panauhing pandangal sa naturang aktibidad si Dr. Corazon Salumbides, isang dating propesor at Balik Scientist mula sa Amerika.
Layunin ng pagsasanay na ito na mahasa ang kompyansa, mahubog at maitaas ang antas ng mabisang pag-iisip at kasanayan, proseso ng kasanayan at siyentipikong saloobin ng mga guro batay sa Most Essential Learning Competencies (MLEC) na ipinapatupad ng Department of Education (DepEd).
Ang parehong pagsasanay ay isasagawa rin ng DOST-NCR PAMAMARISAN (Pasig, Mandaluyong, Marikina, San Juan) Cluster sa Agosto 8, 2022.
By: Shaira Rapisora and Anthony Dula