DOST-NCR, Inihayag ang mga Inisyatibo Tungo sa Smarter Cities sa Internasyonal na Kumperensiya 

Inihayag ng mga focal persons sa programang Innovation, Science, and Technology for Accelerating Regional Technology-based Development (iSTART) ng DOST-NCR ang mga nagawa nang inisyatibo ng ahensiya para tulungang maging Smarter Cities ang mga lungsod at munisipalidad sa National Capital Region sa 7th Annual Conference ng Association of Pacific Rim Universities-Sustainable Cities and Landscapes (APRU-SCL) at 3rd International Conference on Human Settlements Planning and Development (ICHSPD) na ginanap mula ika-6 hanggang ika-8 ng Agosto 2024 sa SMX Convention Center Aura, Lungsod ng Taguig. 

Layon ng kumperensiya na tipunin ang mga eksperto sa iba’t ibang larangan upang makapag-palitan ng ideya at mga subok nang pamamaraan para hanapan ng sustainable na solusyon ang mga pangunahing suliranin ng mga lungsod at komunidad sa daigdig ngayon. Ang layuning ito ay nakapaloob sa tema ng kumperensiya na “Advancing Sustainable Cities and Communities through Science, Technology and Innovation (STI).” 

Ang tema ring ito ang sentral na ideya sa programang iSTART ng DOST. 

Layon ng programang iSTART na gabayan ang mga lokal na pamahalaan para gawing pundasyon ang siyensiya, teknolohiya, at inobasyon sa pagbuo ng kanilang local development plans.  Layon rin nitong umakit ng mga mamumuhunang kumpanyang nasa industriya ng teknolohiya para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng komunidad. 

Sa ngayon ay dalawang lungsod sa NCR ang gina-gabayan ng DOST-NCR para maging Smarter Cities sa ilalim ng programang iSTART, ang mga Lunsod ng Quezon at Muntinlupa. Nagsagawa na ng workshop ang DOST-NCR kung saan sinimulan ng mga STI Technical Working Groups ng dalawang lungsod ang pagbuo ng kani-kanilang Innovation Ecosystem Maps. Nakalinya na ring maging bahagi ng programa ang Lungsod ng Pasig. 

Nagbigay ng dagdag karangalan sa DOST-NCR ang pagwawagi ng Best Poster Presentation Award ni DOST-NCR Assistant Regional Director for Technical Support Services Bb. Bianca Claudette Canlas sa huling araw ng kumperensiya. Angkop sa tema at layunin ng kumperensiya ang inilahok na poster ni Bb. Canlas na may titulong  “Systematic Review of Related Literature on Social Inclusion, Poverty, and Smart Cities in Developing Countries”. 

Similar Posts