RD Patalinjug, Ginawaran ng Leadership Awards ng LGU at PNP Officials
Author: Shaira Rapisora Published: Aug. 02, 2022
Iginawad nina Quezon City Police District Director PBGen Remus Medina at Quezon City 1st District Representative Hon. Juan Carlos C. Atayde ang isang Plaque of Appreciation kay DOST-NCR Regional Director Jose B. Patalinjug III noong ika-18 ng Hulyo 2022 sa QCPD Office, Lungsod ng Quezon.
Ang naturang parangal ay kumikilala sa huwarang liderato ni RD Patalinjug para sa natatanging suporta nito patungkol sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa ilalim ng Duterte Legacy Caravan at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa nasabing Lungsod.
Maliban dito, nakatanggap muli ng isang parangal si RD Patalinjug noong unang araw ng Agosto mula sa Philippine National Police-National Capital Region (PNP-NCRPO) sa pangunguna ni Regional Director Felipe R. Natividad.
Ito ay bilang pagpupugay sa kanyang aktibong partisipasyon, suporta, at kontribusyon sa pagpapatupad ng mga programa ng Police Community Relations ng NCRPO; kabilang na rito ang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) na pinalawig pa sa mga komunidad sa ilalim ng Programang Simula ng Isang Bagong Oportunidad sa Lipunan (SIBOL) ng NCRPO.
Ang parangal na ito ay iginawad sa Flag Raising Ceremony at pagdiriwang ng ika-27 Police Community Relations Month sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng DOST-NCR sa NCRPO para makapagbigay ng mga oportunidad sa ating mga kababayan sa tulong ng siyensya at teknolohiya.