DOST-NCR, Nagsagawa ng Pagsasanay sa Lean Management Para sa MSMEs
Sumailalim sa tatlong araw na birtwal na pagsasanay patungkol sa Lean Management ang dalawampu’t dalawang micro, small, at medium enterprises o MSMEs na benepisyaryo ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP noong ika-3 hanggang ika-5 ng Agosto 2022.
Nagsimula noong 2018, naging taunang aktibidad na ng DOST-National Capital Region at Entrepinoy Volunteers Foundation Inc. ang naturang pagsasanay na naglalayong mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga MSMEs tungkol sa Lean Management.
Binigyang diin sa pagsasanay na ito ang mga prinsipyo at metodolohiya ng Lean Management, kalakip ang mga pangunahing kasangkapan at pamamaraan na dapat gawin upang mapabuti ang proseso ng kanilang mga negosyo ayon sa Lean Framework.
Ilan sa mga MSMEs na nakilahok ay nasa industriya ng pagkain, parmasyutiko, metalcrafts, at iba pa.
Nagsilbing tagapagsalita sa naturang pagsasanay si G. Marciano B. Hermo IV, founder at Managing Director ng INNOVEO Consulting Services.
Matapos ang anim na buwan, magsasagawa ang mga ito ng pagsubaybay sa mga kalahok upang masuri ang mga pagbabago sa kanilang operasyon.