IMG-LOGO
IMG

DOST-NCR, DOST-SEI at EPSON PH, Nagsagawa ng Pagsasanay Ukol sa Paggamit ng 21st CLEM Technologies



Dinaluhan ng mga guro ng Cupang Senior High School (CSHS) ang pagsasanay ukol sa paggamit ng "Interactive Projector with Smartboard, Virtual Reality (VR) at Augmented Virtual Reality (AVR)" na pinangunahan ng DOST-NCR MUNTAPARLAS Clustered Area Science and Technology Office noong ika-18 ng Agosto 2022 sa Cupang National High School, Muntinlupa City.

Isinagawa ang pagsasanay na ito bilang bahagi ng proyekto ng DOST-NCR na 21st Century Learning Environment Model (CLEM) sa Muntinlupa City na sinimulan noong taong 2021.

Ang 21st CLEM ay naglalayong maitaas ang kaalaman, kalidad, at pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro gamit ang mga makabagong pamamaraan ng komunikasyon, impormasyon, teknolohiya, at inobasyon.

Dagdag pa rito, mahalaga at malaki ang maitutulong ng mga makabagong teknolohiyang hatid ng 21st CLEM upang makasabay ang mga guro sa synchronous at asynchronous na pamamaraan ng pagtuturo, na ginagamit na maging ng iba pang mga bansa lalung-lalo na sa panahon ng pandemya.

Ang 21st CLEM ay tumutugon din sa K-12 curriculum upang suportahan at mahikayat pa ang mga mag-aaral na nagbabalak kumuha ng mga kursong akma sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) strand, at sa kalaunan ay mas maparami pa ang mga siyentista at inhinyero sa ating bansa.

Kabilang sa mga teknolohiyang ipinagkaloob ng DOST-NCR ay ang Interactive Projector and Smartboard, Visualizer Camera, Wireless Printer, Robotics Advanced Classroom Starter Kit, 3D Printer at filaments, mga VR 3D Glasses, Customize Caddy, at mga Earthquake Hats.

Dinaluhan din ng mga eksperto mula sa DOST-Science Education Institute (DOST-SEI) at EPSON Philippines ang nasabing pagsasanay.

Layunin ng DOST-NCR na maibahagi ang proyektong ito hindi lamang sa iba't ibang paaralan sa Muntinlupa kundi sa mas marami pang institusyon sa karatig nitong mga lugar.